Nagmamadali na naman dahil mag-aalas-nuwebe na. Alas-diyes ang pasok ko sa opisina. Nagpaalam ako sa kaniya at hinalikan sa noo.
“Ang ganda mo naman.”
Bigla akong nangiti at nabuhayan ng loob. Mabuti pa siya na-aappreciate ang mga maliliit na bagay.
Ni hindi ko nga naitali ng maayos ang buhok ko. Kapag hindi ko naman itatali, mas bubuhaghag. Kaunting face powder lang ang ipinahid ko sa aking mukha at naglagay ng kaunting lip balm na may kulay.
Dalawa na naman sila ni Mama na maiiwan sa bahay. Siyang dating malakas, masigla at binansagang siga ng Pasay ay hindi na makatayo sa sugat (bedsore) at bali sa tagiliran na tinamo sa kanyang pagkakadulas nung siya’y nakatira pa sa bahay ng aking tiyuhin.
Siga ng Pasay. Palaban. Mataray. Astig. Siya si Lola Chayong.
Lagi kong kinapapanabikan ang pagdating ng weekend. Tulong-tulong kami nina Mama, Kuya at bunso sa paglilinis ng bedsore ni Lola. Halinhinan din kami nina Mama at ni Jep sa pagpapakain sa kanya.
Naaalala ko pa na nung nakakapagsalita pa siya, sa tuwing nililinisan na lang ang kanyang sugat at siya’y nakatigilid, lagi niyang sasabihin, “Maawa naman kayo sa akin, oh my God.” O ‘di ba coño pa? Sasabihin sa kanya ni Mama na kaya nga siya nililinisan ay dahil sa naaawa kami sa kanya at ayaw naming lumala ang kanyang mga sugat. Bagamat wala ng kagalingan ang mga sugat niya, ang mahalaga ay nalilinis araw-araw.
Hindi pa rin nawawala ang pagiging maloko ni Lola. Kapag tititigan mo siya, ipipikit niya ang mga mata at saka ididilat. Parang nanggugulat.
Walang araw na hindi ako umuupo sa tabi niya para makipag-kwentuhan, ganun din sina Mama at Jep. Kapag weekend, si Kuya rin. Pero dumating ang araw na hirap na siyang pakainin at halos hindi na siya nagsasalita.
Minsang pag-uwi ko, sinabi ni Mama na parang galit sa kanya si Lola, hindi raw siya sinasagot kapag tinatanong niya. Pero nung ako na ang kumausap at sinagot ako, nagulat siya. Naisip niya, baka raw naaawa na siya kay Mama kaya ayaw na lang magsalita nang magsalita.
Naalala pa nga ni Mama, minsan sinabi raw ni Lola sa kanya na “ang bait ng nurse ko.” Tuwang-tuwa si Mama nun.
Hindi na natupad ang kagustuhan niyang magkaroon ng wheelchair dahil hindi na rin niya kayang tumayo at umupo. Palagian din siyang itinatagalid, pero hindi siya gaanong naitatagilid kasi hirap nga siyang kumilos. Ginagaya pa nga ni Jep ang pag-aray ni Lola, ang cute raw ng boses.
Minsang isang Sabado, uminom lang ng food supplement si Lola. ‘Yun lang ang kinain niya maghapon. Maghapon din siyang tulog gaya nung naunang araw. Mahirap na siyang pakainin.
Kinabukasan, nilinisan namin siya. Kung dati rati ay umaaray siya’t sinasabing maawa raw kami sa kanya, nung araw na iyon, parang wala na siyang pakiramdam. Pinapatakan na lang namin ng tubig ang bibig niya at minsan ay binabasa ang labi. Hindi siya kumain maghapon. Tulog lang din siya ng tulog.
Lunes. Parang ayaw kong pumasok, pero sobrang aga pa ako pumasok para asikasuhin ang raket ko. Sabay kami ni Mama na umalis ng bahay. Papunta siya sa bahay ng isa sa mga pastora sa church, ako naman ay paluwas ng Maynila.
Bago mag-alas dose ng hapon, nakatanggap ako ng isang text mula kay Mama. Sabi raw ng pastora, huwag na raw tulugan ni Mama. Mukhang pinagpapahinga na ng Panginoon. Tulog pa rin siya.
Puwede bang umuwi? Dapat na ba akong umuwi?
Ibinalita ng kapatid ko na na-urong ang simula ng training niya sa trabaho. Dapat ay nung araw na iyon ang simula.
Kinagabihan, nag-text pa ako sa kapatid ko at kay Mama na hindi pa ako makakauwi agad dahil sa trabaho.
Natatawa pa ako sa isang nakasakay ko sa bus dahil hindi raw siya makakapanuod ng Dyesebel dahil concert ng grupong “Steps” ang ipinalalabas. Sabi ng konduktor, kapag sa ordinaryong channel inilagay, malamok daw. Ah, ibig niyang sabihin, malabo ang reception. Hindi pa siya naunawaan agad ng ale.
Pagbaba ko ng bus, tinext ako ng kapatid ko. Tinanong niya ako kung nasaan na raw ako. Sinagot ko siya na malapit na na ako at pasakay na ng traysikel. Kinabahan ako. Hindi ko alam kung bakit.
Pagpasok ko ng pinto, masaya pa akong sinalubong ni Mama, ang akala pa nga niya ay baligtad ang pagsuot ko sa blouse ko. Akala ko okay lang ang lahat. Nagulat ako nung nakita ko ang tita ko at isang pinsan.
Nung nakita ko siya, nanghina ako. Nakatirik ang mga mata at ang lakas nang paghinga. Mataas din ang lagnat niya. Tinabihan ko siya at kinausap. Nanginginig ako, biglang nanibago ang pakiramdam ko.
Kinausap ko siya. “La, nandito na ko.” Bigla siyang umungol, wari ko’y iyon ang sagot niya sa sinabi ko. Nagpatugtog ng cd ang kapatid kong bunso. “700 Promises of God.”
Hindi ko na magawang sumagot sa text ni Kuya. Ilang beses na siyang nagtanong kung kumusta na kami. Pauwi na rin siya galing sa boarding house niya sa loob nang pinapasukang kumpanya.
Nakapanlulumo. Pakiramdam ko, gustung-gusto niyang magsalita pero hindi na niya magawa. Hindi na naming mapigilang umiyak.
Naaalala ko, dati, siya ‘yung tipong minsan ay kaiinisan mo dahil medyo mataray. Hindi siya malambing na lola. Ganunpaman, lagi pa rin kaming nakikinig sa mga kwento niya habang nasa terrace ng bahay o nasa loob ng kanyang kwarto. Kulang ang araw sa mga kwento niya. Minsan nga paulit-ulit na lang.
Madalas din namin siyang kuhanan ng litrato nun, kahit umiiwas siya. Madalas din ay nangungulit kaming magkapatid sa litrato habang siya’y nakangiti ng kaunti. Mataba pa siya noon.
2002 nang nagpasya siyang lumipat sa bahay ni tito para doon tumira. Medyo naiinip rin kasi dahil walang mga bata sa bahay. Dun kasi kina tito, maraming bata, maliliit pa kasi ang mga pinsan ko. Dinadalaw na lang namin siya roon.
Iba na ang hitsura n’ya. Payat. Wala na ang dating malusog na Chayong na pagkatapos maglaba at maglinis ng kaunti, mahihiga na at matutulog.
Hindi ko na siya hiniwalayan. Nagpahinga na sina Mama, tita at pinsan ko. Pinalitan ng kapatid ko ang CD. Nagpatutog siya ng mga praise and worship songs. Kantahan ko raw si Lola.
Balot ng lungkot ang buong bahay. Sa wakas, dumating na si Kuya. Tinabihan na rin siya si Lola. Tumutugtog pa rin ang cd.
Pumasok na rin sa kwarto ang kapatid kong bunso para matulog. Si Kuya naman, pinagtabi-tabi ang mga upuan sa tabi ng higaan ni Lola at dun humiga. Holding hands pa sila ni Lola.
Pumasok na rin ako sa kwarto. Nanalangin. Hindi ko rin kasi alam ang kalooban Niya. Marami ng tanong ang pumasok sa isip ko. Hindi ako mapakali sa higaan. Ipinagkatiwala ko na siya sa mas makapangyarihan.
Martes, Hulyo 22. Hindi ako pumasok para tulungan si Mama sa pagbabantay. Ganun pa rin si Lola, nakatirik ang mga mata at malakas ang paghinga. Pabalik-balik ako sa pagpatak ng tubig sa bibig n’ya at pagdampi ng bulak na basa ng tubig sa kanyang labi.
Dumating din ang isang kapatiran sa church at tumulong sa amin sa pagbabantay kay Lola. Hindi rin pumasok sa trabaho si Kuya.
Bandang alas-onse, ipinikit ni Lola ang mga mata niya, pero malakas pa rin ang paghinga. Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin nun. Mas maayos na ba ang kalagayan niya? Nung hinawakan ko kasi siya, medyo kaunti na lang ang init sa katawan.
Abala na naman si Mama sa mga gawaing bahay, habang ako’y nakikipagkwentuhan sa aming kapatiran, si Ate Lisa. Dumating ang aking isang tito at ang asawa niya.
Pinuntahan ko si Lola at hinawakan. Medyo tumaas na naman ang lagnat niya. Napakainit. Sabi ni Mama lagyan daw ng ice bag ang kanyang noo. Inihanda niya ang ice bag at iniabot sa akin.
Tinatapik-tapik ko pa sa noo ni Lola ang ice bag. Nung nakita ako ni Mama, kinuha niya sa aking kamay ang ice bag at iniayos ang pagkakalapat nito sa noo ni Lola. Si Ate Lisa naman, pinupunasan ng basang bimpo ang mga braso ni Lola. Bumalik si Mama sa kanyang ginagawa, maglalaba yata siya.
Isang malalim na paghinga. Biglang tumahimik.
Tinawag ko si Mama. Isinisigaw ko lang ang pangalan niya.
Tinext ko sina Kuya at Jep na umuwi na sila. Si Kuya, nagpagawa ng electric fan kasama ang kaibigan. Si Jep, nagpagupit.
Walumpu’t dalawang taong gulang si Rosy. Oo, tinawag din siyang Rosy noon ng isang dating pag-ibig. Marahil nga, bago siya magpahinga, hinintay n’yang mapagsilbihan namin siya ulit nina Mama, Kuya at Jep. Isang buwan at kalahati. Napakabilis. Isang linggo bago ako mag-bertday.
Nung minsang dumalaw sina tito, tiningnan namin ang mga litrato sa mga kahon at photo album. Tiningnan din namin ang box ni Lola. Kung anu-anong bagay ang nakalagay dun. Nandun ang mga sulat para sa mga anak, sulat mula sa isang dating pag-ibig, mga ID, lalagyan ng cream, kard mula kina tito at Mama, button pin ko na inilalagay ko dati sa bag, mga litrato ng mga anak, apo, kaibigan at ibang kamag-anak.
Isang maliit na papel ang nakapukaw sa aming interes. Minsang isang Pasko, sumulat siya ng isang tula para sa kanyang mga anak. Isinulat din niya ito sa maliit niyang notebook. Medyo magulo lang ang grammar pero ayos lang. Alam ko ang nais niyang ipabatid sa tatlo niyang anak.
My Christmas gift to my dearest kids
I have no money to buy there gifts
But if you would all look to the mirror
You would see
A life and mother
Who are love more
Than anything in the world?
Sa paglipas ng mga araw, parang naiisip ko pa rin kung talaga nga bang wala na siya. Sabi ni Jep, dapat daw ako ang unang makatanggap. Si Mama, minsan ay naiiyak pa rin dahil naaalala niya si Lola.
Ganun lang pala ang buhay. Napakaikli, sobrang ikli. Akala ko, matagal ko pang makakasama si Lola. Pero iba ang Kanyang plano. Mahalaga ay napatawad na niya ang mga taong nakagalit niya at naging masaya siya sa mga huling araw. Sabi nga niya minsan sa amin nina Mama at Jep, “Ang saya natin kahit konti lang tayo.” Hindi ko ‘yun makakalimutan.
Maraming itinuro sa akin ang kamatayan. Totoo na sadyang maikli lang ang buhay. Make the most out of it, ika nga nila. Alisin na ang galit sa puso. Tigilan na ang pagre-reklamo at pagiging iritable kahit sa maliliit na bagay lang. Maging mapag-pasensiya. Spend time with your family more. Oo nga naman, maaaring mawalan ka ng mga kaibigan, pero ang pamilya, kailanman hindi ka iiwan. Ilang beses ko na itong napatunayan.
Kailan lang nakatanggap ako ng text mula sa isang kaklase nung kolehiyo. Namatay ang kanyang kaibigan sa isang aksidente. Ibinahagi niya ang mga natutunan niya mula sa nangyari, na kahalintulad ng mga natutunan ko sa pagkamatay ni Lola.
I lost a very good friend of mine Saturday morning in a car accident. She was 27 – single, young, beautiful and successful. She had big dreams for her mom and that her biggest dream was to see her mom happy all the time. Till now I couldn’t believe she’s gone. It’s depressing that she needed to die first to teach me lessons. To always wear a seatbelt, to be with family and friends as much as I can, to live like there’s no tomorrow, to not carry grudges. I realized that no matter how hardworking and successful we are in our career, it wouldn’t matter that much when we’re gone. Our relationship with our families, friends and loved ones is more precious than promotions, annual appraisals, commendations. We don’t live to work. We live to live.
Mami-miss namin si Lola. Sa katunayan, lagi ko na nga siyang naiisip nitong mga nakararaang araw. Pero, naniniwala kami na higit na mas maganda ang kanyang kalagayan ngayon. Salamat sa Panginoon.
“Lola, okay ka lang?” “Okay!” Itataas ko ang aking hinlalaki, thumbs up.
Kahit nanghihina, gagayahin niya ako.
“Aprub!”